Ni: Francis T. Wakefield at Jun Fabon
Sugatan ang isang 67-anyos na lalaki habang aabot sa P200,000 halaga ng ari-arian ang natupok sa pagsiklab ng sunog sa two-storey building sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Fire Senior Supt. Manuel Manuel, Quezon City Fire Marshal, ang biktima na si Carlos Espino, na nagtamo ng 1st degree burns sa kamay at paa.
Sinabi ni Manuel na pag-aari ni Espino ang nasunog na gusali.
Base sa inisyal na imbestigasyon, aniya, nilamon ng apoy ang two-storey residential building sa No. 78 Marang, Anonas Street, Barangay 2B, Quezon City, dakong 5:45 ng umaga.
Ayon kay Manuel, nagsimula ang apoy sa unang palapag ng gusali na nagsisilbing opisina. Ayon sa mga imbestigador, posibleng nag-overheat na computer ang sanhi ng sunog, base na rin sa impormasyon na ipinagkaloob ni Espino.
Bandang 6:22 ng umaga naapula ang apoy.