Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang binatilyo makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang armado sa isang computer shop sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Marvin Galicio, 17, ng Gate 18, Parola Compound sa Tondo, na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa likod ng ulo.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Manila Police District (MPD)- Station 2 commander Police Supt. Santiago Pascual III, dakong 5:00 ng hapon ay naglalaro ang biktima sa pisonet cafe sa Area H, Gate 18, sa Parola Compound, nang lapitan ng isa sa mga suspek, na inilarawang nakasuot ng sombrero, gray na polo shirt, may taas na 5’7” at tinatayang nasa edad 30-35, at pinaputukan.
Kumaripas palayo ang mga suspek nang makitang tinamaan ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)