Balik-kulungan ang isang umano’y manyakis na lalaki makaraang ireklamo ng pangmomolestiya sa isang dalagita sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Nakakulong sa detention cell ng Pasay City Police si Marlon Dioso, nasa hustong gulang, construction worker, ng Eusebio Street, Barangay 42, matapos umanong hipuan sa maseselang parte ng katawan ang isang 17-anyos na babae.
Ayon sa ulat, natutulog ang dalagita nang maalimpungatan matapos maramdaman ang umano’y kahalayan ng suspek sa kanya.
Nagsisigaw ang dalagita na nakatawag-pansin sa lola ng huli kaya kaagad na tumakas sng suspek, ngunit makalipas ang ilang oras ay nagpasyang humingi ng tawad sa matanda.
Gayunman, nanindigan ang ina ng dalagita at ipinadakip si Dioso pasado 10:00 ng gabi nitong Linggo.
Batay sa record ng barangay, taong 2014 nang inireklamo si Dioso ng pangmomolestiya subalit nalusutan umano nito ang nasabing kaso. (Bella Gamotea0