NAGBABALIK-TELEBISYON si Hero Angeles sa isang natatanging pagganap bilang transgender na tatayong ina ng isang batang inabandona sa espesyal na Mother’s Day episode ng Maalaala Mo Kaya.
Mapagmahal at mabuting anak si Pia. Bagamat tutol ang magulang niya sa kanyang kasarian ay mahal pa rin niya ang mga ito at inirerespeto.
Naniniwala si Pia na balang araw ay matatanggap din siya ng kanyang sariling pamilya. Habang hinihintay niya ang inaasam na pagtanggap ay biglang darating sa buhay niya si Lester (Louise Abuel), isang batang Filipino-German na iniwan ng kapitbahay sa kanilang pamilya. Kukupkupin nila ang bata at ituturing na kapamilya. Sa kasamaang-palad, hindi mahilig sa bata si Pia at iisipin niyang pabigat lamang ito sa marami na niyang suliranin sa buhay.
Paano kaya lalambot ang puso ni Pia kay Lester? Si Lester na kaya ang maging susi sa pag-aayos ni Pia at ng mga magulang niya? Maging hadlang kaya ang kasarian ni Pia para matawag siyang mabuting ina?
Makakasama rin sa upcoming episode sina Cherry Pie Picache, Louise Abuel, Emilio Garcia, Bugoy Cariño, Roxanne Barcelo, Jeff Gaitan, Miho Nishida, Lolie Mara, Marnie Lapuz, Marithez Samson, at Kamille Filoteo.
Ang episode mula sa panulat nina Joan Habana at Arah Badayos at sa direksiyon ni Dado Lumibao.