Walang kumpirmasyong ibinigay ang Palasyo kaugnay sa kumakalat na usapin hinggil sa umano’y private meeting request na ipinadala ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa ikinasang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Agosto 17, idiniin naman ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na bukas si PBBM na makipag-usap kahit kanino, kabilang na ang mga taong hindi sumasang-ayon sa kaniya, ngunit hindi partikular si VP Sara.
“Wala po tayong makukumpirma patungkol po diyan dahil wala naman din pong ibinababa sa atin na anumang impormasyon kung mayroon ngang ganiyang kaganapan. So, sa ngayon ay wala tayong makukumpirma,” saad ni Usec. Castro.
“Hypothetical question…pero ang sabi ng Pangulo, sa una pa lang niyang podcast, kahit sino, sa lahat na maaaring hindi sumasang-ayon sa kaniya, siya ay bukas upang makipag-usap para magkaroon ng magandang pagkakaintindihan—hindi partikular para kay Bise Presidente,” sagot pa niya nang matanong kung “inclined” ba si PBBM na pagbigyan ang umano’y request.
“Baka kasi magkaroon na naman ng misinterpretation at misunderstanding sa ating mga ginawang katugunan sa ngayong araw na ito,” paliwanag pa niya.
Samantala, sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa nagpapahayag ng anumang komento si VP Sara hinggil sa nasabing usapin.