NAGOYA, Japan -- Ratsada si Juvic Pagunsan sa final round, ngunit hindi sapat ang naiskor na three-under 68 para sa kampeonato ng Japan Golf Tour’s Token Homemate Cup nitong Linggo (Lunes sa Manila) dito.
Pumagatlo ang 38-anyos Pinoy star sa kabuuang iskor na 13-under 271 sa prestihiyosong torneo sa Asya. Nagawa niyang ma-birdie ang No. 16 at impresibo ang eagle sa No.17.
Kasama ang iskor sa unang tatlong round na 68-68-67, nakopo ng pambato ng Bacolod City at dating Asian Tour money champion, ang solong ikatlong puwesto para sa premyong ¥8,840,000 (P4 milyon).
Nakamit ni Liang Wenchong ng China ang kampeonato sa final round 68 para sa kabuuang 268, kabuntot si Yoshinori Fujimoto na tumapos ng 65 para sa 270.