Hinimok ni Sen. Ping”Lacson nitong Biyernes, Agosto 7, ang mga awtoridad na imbestigahan hindi lamang ang magkakasalungat na pahayag ng tinaguriang “Maleta Boys” kundi pati ang mga taong maaaring nasa likod ng mga alegasyon at kalituhang idinulot ng mga ito.
Kasunod ito ng pagbawi ng apat sa 18 ex-bodyguards sa nauna nilang mga pahayag tungkol sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng pera sa ilang personalidad na sinasabing may kaugnayan sa kickback sa mga flood control project.
Ayon kay Lacson, nagdulot ng panibagong mga katanungan ang mga pagbawi ng pahayag, lalo na dahil ilang beses nang nagbago ang mga salaysay ng mga lalaki sa iba’t ibang pagkakataon.
“First question that needs to be answered is - are these four part or outside of the eight reported earlier to have submitted their sworn statements to the Ombudsman which triggered the initiation of the preliminary investigation against former Speaker Martin Romualdez, et al?” ani Lacson.
Dagdag pa niya, “Sa dami kasi ng flip-flopping statements nila sa iba’t-ibang fora at venues, hindi na natin alam kung ano na ang totoo at hindi sa mga sinasabi nila at kung sino-sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo at hindi.”
Bukod dito, sinabi ni Lacson na dapat ding matukoy kung sino ang nag-organisa o nanghikayat sa mga lalaki na ihayag ang kanilang mga alegasyon.
“Dapat ding tugisin at papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng gulo at confusion na nilikha nila. I hope the authorities will track and make them answerable as well,” pahayag ng senador.
Matagal nang kinukuwestiyon ni Lacson ang pagiging posible ng ilang detalye sa mga alegasyon ng “Maleta Boys,” partikular ang sinasabing ₱805 bilyong cash delivery scheme.
Batay sa kaniyang mga kalkulasyon, sinabi ni Lacson na aabot sa tinatayang 805 metric tons ang bigat ng ₱805 bilyon kung nasa anyong paper bills.
Tinatayang mangangailangan din umano ito ng nasa 53.6 metric tons ng malalaking bakanteng maleta para lamang maikarga ang naturang halaga, bukod pa sa oras na kakailanganin para bilangin, i-repack at ihatid ang pera.
Ayon sa kanyang mga kalkulasyon, kung nagsimula noong 2023 ang umano’y paghahatid ng pera, maaaring umabot hanggang kalagitnaan ng 2028 ang proseso ng pagbababa, pagbibilang, pagre-repack, pagkakarga at paghahatid ng buong halaga.
Kung nagsimula naman ang operasyon noong ikalawang bahagi ng 2022, nang maging chairman ng House appropriations committee si dating Rep. Elizaldy Co, tinaya ni Lacson na aabot pa rin ang proseso hanggang kalagitnaan ng 2027.