Isa na siguro ang oyster o talaba sa mga pinakanatatanging lamang-dagat sa lahat. Mayroon kasing itinalagang araw para ito ay gunitain at ipagdiwang.
Tuwing ika-5 ng Agosto, ginaganap ang National Oysters Day sa iba’t ibang panig ng mundo, bagama’t hindi tukoy kung kailan unang nagsimula ang selebrasyong ito.
Kaya naman iba't iba rin ang paraang ginagawa ng mga tao para ipagdiwang ito. Ang iba, umoorder ng oyster dishes. Mas bet naman ng ilan kung sila ang mismong magluluto nito.
Puwede rin daw magbasa sa araw na ito ng mga aklat tungkol sa talaba gaya ng "The Essential Oyster: A Salty Appreciation of Taste and Texture" ni Rowan Jacobsen o ng "Appreciating Oysters: An Eater's Guide to Craft Oysters from Tide to Table" ni Dana Deskiewicz.
Ngunit para sa mabilis at payak na impormasyon, ang talaba ay kasama sa pamilyang Ostreidae.
Ito ay isang mollusk na ang malambot na katawan ay pinoprotektahan ng dalawang matitigas na talukab. Lumalaki ang talukab kasabay ng paglaki ng laman nito.
Nakatira ang iba’t ibang klase ng talaba sa tinatawag na “brackish habitat” o kombinasyon ng tubig-alat at tubig-tabang. Samakatuwid, kapuwa makikita ang mga ito sa baybay-dagat, look, estuwaryo, at ilog.
Samantala, ayon sa programang “AHA” ng GMA Network noong 2017, hindi raw matutukoy ang tiyak na kasarian ng mga talaba dahil nagbabago raw ito sa loob ng mahigit dalawang dekadang pag-iral.
Maaaring ngayon ay babae sila, ngunit paglipas ng isang buwan ay magiging lalaki na.
Isa sa mga nutrisyong matatagpuan sa talaba ay ang zinc, batay sa isang artikulo ng Healthline. Malaki umano ang maitutulong nito sa pagpapalakas ng daloy ng dugo sa mga sex organ.
Bukod dito, mahalaga rin umano ang zinc sa fertility ng mga lalaki para ma-regulate ang kanilang testosterone level.
Kung may zinc deficiency kasi ang isang tao, malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng negatibong epekto sa kaniyang testosterone level.
Ngunit nilinaw din naman sa artikulo na kinakailangan pa raw ng karagdagang pananaliksik para matukoy kung ang pagkain nga ba ng talaba ay direktang nakakaapekto sa pagpapataas ng libido at pagpapabuti ng performance sa sex.
Kailangan ding tandaan na ayon sa artikulo ni Jill Corleone na "The Potential Side Effects of Eating Oysters," mataas ang risk ng talaba pagdating sa food poisoning, lalo na kung kakainin ito nang hilaw.
Isa sa mga bacteria na maaaring makuha mula rito ay ang Vibrio na pangunahing sanhi ng vibriosis o cholera.