Tinanggap ng ilang residente ng Barangay Landan sa Polomolok, South Cotabato ang pagpapatupad ng Anti-Gossip Ordinance na layong maiwasan ang mga alitan at hindi pagkakaunawaan sa komunidad.
Ipinasa ang naturang ordinansa matapos umanong dumami ang mga insidenteng nag-ugat sa pagpapakalat ng maling impormasyon, mapanirang tsismis at walang basehang balita na nakasisira sa reputasyon ng mga residente.
Si Barangay Kagawad Joey Salazar Minggito ang may-akda ng Barangay Ordinance No. 8, Series of 2026, na naglalayong protektahan ang mga residente laban sa mapaminsalang tsismis.
Ayon kay Minggito, marami sa mga hindi pagkakaunawaan na dinadala sa barangay ay nagsisimula sa mga maling kuwento na nagiging dahilan upang gumugol ng oras ang mga opisyal sa pag-aayos ng mga away na maaari naman sanang naiwasan.
Suportado naman ng ilang residente ang ordinansa dahil anila, maaaring makasira ng pagkakaibigan at relasyon sa pamilya ang iresponsableng pagpapakalat ng tsismis, bukod pa sa paglikha nito ng tensiyon sa pagitan ng magkakapitbahay.
Naniniwala silang makatutulong ang pagpigil sa mapanirang tsismis upang mapalakas ang tiwala at respeto sa komunidad, at mahikayat ang mga residente na idaan sa maayos na komunikasyon ang kanilang mga problema sa halip na magpakalat ng maling impormasyon.
Nilinaw naman ni Minggito na hindi ipinagbabawal ng ordinansa ang malayang pagpapahayag. Ang tinututukan lamang umano nito ay ang mapanirang tsismis na mapatutunayang may sapat na ebidensiya sa isinagawang imbestigasyon.
Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Polomolok ang ordinansa noong Hulyo 10, 2026, na nagbibigay-daan sa pagpapatupad nito sa Barangay Landan.
Nakatakda namang pagmultahin ng ₱1,000 ang unang paglabag at ₱1,500 para sa ikalawang paglabag.
Maaari ring atasan ang mapatutunayang responsable na gumawa ng public apology sa social media, bukod sa kaukulang parusa.
Umaasa ang mga opisyal ng barangay na makatutulong ang ordinansa na mabawasan ang mga alitan, mapabuti ang ugnayan ng magkakapitbahay at mahikayat ang mas responsable at maayos na pakikitungo sa komunidad.