Isang 67-anyos na babae mula sa Colombia ang naging usap-usapan online matapos niyang sabihing nakabili umano siya ng dalawang bahay sa isang hindi pangkaraniwang pinagkakakitaan—ang pagbebenta ng mga tsismis at sikreto ng kaniyang mga kapitbahay!
Ayon sa ulat ng Eastern European media outlet na "Nexta" mula sa Poland, kinilala ang babae na si "Myriam," residente ng lungsod ng Armenia sa lalawigan ng Quindío, Colombia.
Ayon sa kaniya, ilang taon na niyang ginagawa ang tila "full-time na pagma-Marites." Tuwing umaga, umuupo umano siya sa labas ng kanilang bahay habang may hawak na notebook, kung saan isinusulat niya ang mga nakukuhang impormasyon mula sa mga pag-uusap ng mga tao sa kanilang komunidad.
Hindi lang umano mga kuwento ang kanyang itinatala. Nag-iipon din siya ng mga larawan ng kanyang mga kakilala at gumagawa pa ng chart na nagpapakita ng umano'y ugnayan at relasyon ng iba't ibang tao sa kanilang lugar.
Sinabi ni Myriam na kabilang sa kaniyang mga "koleksiyon" ang mga usapin tungkol sa alitan ng magkakapamilya, lihim na relasyon, hindi pagkakaunawaan ng mga kapitbahay at iba pang personal na pangyayari.
Ngunit sa halip na ikuwento lamang ang kaniyang mga nalalaman, ginawa niya umano itong pagkakakitaan.
Depende raw sa bigat ng impormasyon ang halaga ng kaniyang sinisingil. Ang mga ordinaryong tsismis ay ibinebenta niya sa halagang 5,000 hanggang 10,000 Colombian pesos, habang mas mataas ang presyo ng mga mas kontrobersiyal na kuwento.
Mas nakakagulat pa rito, sinabi ni Myriam na may mga pagkakataon ding binabayaran siya upang manahimik.
Ayon sa kaniya, minsan umano siyang tumanggap ng 700,000 Colombian pesos kapalit ng hindi pagbubunyag ng isang sensitibong sikreto.
Sa naturang panayam, iginiit ni Myriam na ang kinita niya sa pagbebenta ng impormasyon ang naging daan upang mabili niya ang una niyang bahay at kalaunan ay makapagpatayo o makabili pa ng isa pang ari-arian.
Photo courtesy: Screenshot from Nexta/X
Samantala, marami naman sa mga Pinoy netizen ang namangha, at nagsabing baka magkaroon ng ideya ang mga Pilipino na pagkakitaan ang pagiging marites.
May mga nagsabi namang isa itong porma ng tinatawag na "extortion."
Ang extortion o pangingikil ay isang krimen kung saan ang isang tao ay gumagamit ng pananakot, pagbabanta, pamimilit, o impluwensiya upang mapilit ang iba na magbigay ng pera, ari-arian, serbisyo, o anumang pakinabang laban sa kanilang kagustuhan.
Ayon sa Korte Suprema, sa ilalim ng batas, ang "extortion" ay hindi nakatayo bilang isang natatanging pangalan ng krimen sa Revised Penal Code (RPC). Sa halip, ito ay itinuturing na paraan ng paggawa ng krimen na pinaparusahan sa ilalim ng kasong Robbery Extortion o Simple Robbery sa pamamagitan ng pananakot o intimidation.