Makakasali pa rin ang Ateneo de Manila University men’s basketball team sa UAAP Season 89, ayon sa naging desisyon ng Board kaugnay ng insidente na ikinasawi ng dalawang student-athletes sa team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Coach Tab Baldwin, 11 iba pa lagot sa kasong reckless imprudence, simple negligence!
Ayon sa UAAP, isinasaalang-alang sa desisyon ang kagustuhan ng mga natitirang student-athletes ng Ateneo na parangalan sa pamamagitan ng kompetisyon ang kanilang mga nasawing teammate.
“The Ateneo men’s basketball team shall remain eligible to compete in UAAP Season 89,” anang UAAP Board sa kanilang pahayag nitong Biyernes, Agosto 7, 2026.
Samantala, permanenteng ipinagbawal ng UAAP ang dating Ateneo men’s basketball coach na si Thomas Anthony “Tab” Baldwin sa lahat ng UAAP competitions at kaugnay na aktibidad.
“Thomas Anthony Baldwin is PERPETUALLY BANNED from all UAAP competitions and related activities, in any coaching, administrative, advisory, or official capacity,” anang pamunuan ng UAAP.
Hindi rin papayagang makapasok si Baldwin sa alinmang UAAP competition venue. Nakasaad na ang sanction laban sa kaniya ay “final and shall not be appealable.”
Sinuspinde rin ng UAAP ang team manager na si Christopher John Quimpo, mga assistant coach na sina Dean Caesar Castaño, Sandro Nicholas Romero Soriano, Reynaldo Jacinto Jr., Hernan Ameer Domingo, Caesar Vincent Javellana Elumba at Grant Dearn, gayundin ang physical therapist na si John Eric Rueca.
Ayon sa UAAP, ang mga naturang personnel ay, “Shall be SUSPENDED FROM PARTICIPATION in all UAAP competitions and related activities, in any coaching, administrative, advisory, or official capacity, until further determination by the UAAP Board.”
Hindi rin sila papayagang pumasok sa UAAP competition venues habang ipinapatupad ang suspension.
Sinabi ng UAAP na ang mga desisyon ay ginawa matapos ang administrative review nito sa mga resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkamatay nina Rene Clert Baterbonia at Chukwuemeka Divine Adili.
Ayon sa Board, walang rekomendasyon ang mga government investigative agencies na panagutin ang mga student-athletes na naroon sa insidente.
Binigyang-diin ng Board na layunin ng mga sanction na palakasin ang safeguards para sa kapakanan at proteksyon ng mga student-athletes at maiwasan ang pag-ulit ng katulad na insidente sa liga.