Kinaantigan ng netizens ang serye ng videos ng isang tatay na mapapanood na tila nagko-construction ng isang malaki at magandang bahay.
Viral ngayon sa TikTok ang ibinahaging videos ng uploder na si “SIKINAH,” kung saan matutunghayan ang kuwento ng isang tatay na dating kumukumpuni at gumagawa ng bahay ng ibang tao, ngunit ngayo’y ginagawa na ang sarili nilang tahanan!
Sa mga nasabing video, makikita ang labis na sipag ng tatay upang ganap nang maipatayo ang ginagawa nitong bahay.
“POV: Tatay kong simula bata pa lang kami ay gumagawa na ng bahay ng ibang tao. Ngayon finally, bahay naman namin ang ginagawa niya,” mababasa sa isang video.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Shakeinah Ramirez, 28-anyos mula sa Brgy. Santo Angel Central, Sta. Cruz Laguna, ikinuwento niya kung paano nagsikap ang kaniyang amang si Cesar Ramirez, 54-anyos, upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Simula 1999 pa siya nagsimula maging construction worker, a year after po akong ipanganak (1998). Siguro, marahil, need na po ng extra budget nila Mama at Tatay since may pangalawa na po silang anak. Nagsimula po siya sa pagpipintor noon, hanggang sa natuto po sa pagco-construction worker. Sa dami na po nilang nagawang tahanan, marami na po siya natutunan at napag-aralan. Kaya ngayon, kaya niya na po gawin ang sarili naming tahanan,” saad ni Ramirez.
Inilahad din niya ang dahilan kung bakit mas naging pursigido siyang masimulan na ang pagpapatayo ng kanilang tahanan.
“Noong binili pa lang namin ng ate ko yung lupa at nahawakan niya ‘yong titulo na nakapangalan sa kanila ni Mama, sobrang saya na nila, na finally, may sarili na silang lupa na never nilang nagawa magkaroon noong nagsisimula pa lang sila mag-asawa,” paglalahad niya.
Aniya, “Gabi-gabi, pinagmamasdan ng tatay ko ‘yong titulo noong hindi pa kami nag-sstart ng construction.”
“Noong nakikita ko ‘yon, mas naging pursigido ako sa pag-iipon para masimulan na ang pagpapatayo ng bahay,” pagkukuwento pa niya.
Ibinida rin ni Ramirez ang kaniyang tatay—na inilarawan niya bilang isang “selfless” na ama.
“Napaka-selfless ng tatay ko. Lahat gagawin niya para lang sa pangangailangan namin. Minsan ang gabi, ginagawa niyang araw, magkasahod lang. Sa construction worker bawal magkasakit, dahil kawalan na ng kita ang isang araw nila,” aniya.
“Sobrang bait at sobrang sipag ng tatay ko. Deserve na deserve ng tatay ko na suklian ko lahat ng mga pagod at sakripisyo niya sa pagtatrabaho at paggawa niya ng ibang bahay. Finally, deserve niya na siya naman ang nagpapagawa at gumagawa ng aming tahanan,” dagdag pa niya.
Isiniwalat din niya ang dahilan sa likod ng pagbabahagi niya ng nasabing kuwento sa social media.
“June 2025 nag-start ang construction ng bahay namin. ‘Yon din ’yong panahon na ni-videohan ko siya para batiin ng Father's Day kaya nagkaroon siya ng video na ‘from this.’ Ni-upload ko po ‘yong video na ‘yon last year. At ngayon 2026, after 1 year, napaka-blessed namin na kahit papaano may naging progress sa paggawa niya sa aming tahanan kaya ni-videohan ko siya that time kaya nagkaroon ng ‘to this,’” aniya.
Paglalahad pa niya, “Ni-videohan ko siya dahil pasasalamat ko ‘yon sa kaniya sa loob ng isang taon na pagsasakripisyo at pagod niya matapos at magawa lang ang aming tahanan. Hindi namin ni-expect na mag-vi-viral. Sa lahat ng mga nag-comment at bumati sa tatay ko noon sa unang video niya, naisip ko na gawaan ng updated video para mapanood ulit nila, and mas lalo kami nagulat kasi mas nag-viral pa siya sa TikTok at sa Facebook.”
Sa huli ay ibinahagi ni Ramirez ang kaniyang mensahe para sa kaniyang ama, na punong-puno ng pasasalamat.
“Para sa aking tatay, dalangin ko lang sa Diyos na bigyan pa siya ng mahabang buhay at magkaroon ng magandang kalusugan. Deserve mo na ma-enjoy ang bahay na dugo't pawis mo mismo ang inalay para lang matapos ang ating bahay,” ani Ramirez.
“Salamat tay sa lahat-lahat ng ginawa mo para sa amin simula noong mga bata pa lang kami. Hindi kami/tayo naririto sa sitwasyong ito kung hindi dahil sa’yo,” dagdag pa niya.
“Walang titulo ng lupa at walang pagpapagawa ng bahay kung hindi ka nagsakripisyo na makatapos kami ng pag-aaral sa kabila ng liit ng sahod bilang isang construction worker. Ngayong nagkatrabaho na ako, hayaan mong suklian ko lahat ng iyon. Maraming salamat,” pagtatapos ni Ramirez.