BEIJING (Reuters) – Isa pang bagong Chinese cruise ship ang naglayag sa pinagtatalunang Paracel Islands sa South China Sea, sinabi ng state news agency na Xinhua kahapon. Ito ang huli sa mga pagsisikap ng Beijing na palakasin ang pag-aangkin sa pinag-aagawang karagatan.
Naglayag ang Changle Princess mula sa Sanya, Hainan province ng China nitong Huwebes ng hapon sakay ang 308 pasahero para sa apat na araw na paglalayag, ayon sa Xinhua.
Ang bagong barko ay kayang magsakay ng 499 katao at mayroong 82 guest room na may dining, entertainment, shopping, medical at postal services, ayon pa sa ulat.
Bibisitahin ng mga turista ang tatlong isla sa Crescent group ng Paracels, sinabi ng Xinhua.
Naunang sinabi ng China na binabalak nitong magtayo ng mga hotel, villa at tindahan sa Crescent group at nais ring magtayo ng Maldives-style na mga resort sa paligid ng South China Sea.
Ang unang mga cruise mula China patungong Paracel islands ay inilunsad ng Hainan Strait Shipping Co noong 2013. Ang Paracels ay inaangkin din ng Vietnam at Taiwan.