“Karangalan ko po na ako ay makulong sa mga ipinaglalaban ko po. Inosente po ako.”
Ito ang binanggit ni Senator Leila de Lima sa mga mamamahayag na magdamag na nagtipon sa labas ng kanyang tanggapan sa Senado, ilang minuto bago siya sumuko sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) pasado 8:00 ng umaga kahapon.
Nagpalipas ng magdamag sa kanyang tanggapan sa Senado si De Lima makaraang pagtangkaan siyang arestuhin ng mga operatiba ng CIDG sa kanyang bahay nitong Huwebes ng gabi, bago pinayagan sa hiling na arestuhin siya ng Biyernes ng umaga.
Magdamag niyang nakasama sa kanyang tanggapan ang dalawa niyang anak, ilang empleyado at tagasuporta, at sina dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Father Robert Reyes at Leah Navarro.
“Katulad po ng palagi kong sinasabi at inuulit ko po ngayon, inosente po ako. Wala pong katotohanan, pawang kasinungalingan ang mga ipinaparatang po nila sa akin na ako diumano ay nakinabang sa droga, diumano ay tumanggap ng drug money, diumano ay nag-coddle o nag-protect ng mga drug suspects. Pawang kasinungalingan ho ‘yan. Lalabas ho ang katotohanan sa tamang panahon,” dagdag pa ni De Lima.
Humingi rin ng dasal, dispensa at pang-unawa sa mga mamamahayag na buong magdamag na nagmatyag sa Senado ang dating chairperson ng Commission on Human Rights at Justice secretary.
“Kung sa tingin po nila ay mapapatahimik po nila ako, kung sa tingin po nila ay hindi na po ako lalaban doon sa mga ipinaglalaban ko lalo na sa katotohanan, sa katarungan laban sa mga araw-araw na pagpatay at mga iba pa na mga panggigipit, paniniil nitong rehimeng Duterte… karangalan ko po na ako’y makulong dahil sa mga ipinaglalaban ko po. Ipagdasal n’yo lang po ako,” sabi pa niya.
PAGSUKO
Pasado 8:00 ng umaga nang lumabas ang senadora sa kanyang tanggapan at kusang sumama kina Senate Sergeant-at-Arms Chief Jose Balajadia at CIDG Director Chief Supt. Roel Obusan patungong Camp Crame sa Quezon City.
Pagdating sa tanggapan ni Obusan, na hindi nakaposas nang isakay sa coaster ng CIDG, kaagad na isinailalim sa booking process si De Lima.
Kaagad namang sumunod sa Crame si Senator Francis Pangilinan, na kinailangan pang makipagkumprontasyon sa ilang pulis dahil sa umpisa ay hindi pinayagang pumasok sa kampo.
Dinakip si De Lima sa bisa ng arrest warrant kaugnay ng tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na inihain ng Department of Justice (DoJ) laban sa kanya sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
PAGDINIG, IPINAGPALIBAN
Pagkagaling sa Crame, iniharap ng CIDG si De Lima, kasama ang abogado nitong si Atty. Alex Padilla, sa sa sala ni Muntinlupa City RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero upang tanggapin ang commitment order at kuwestiyunin ang agarang paglalabas ng arrest warrant laban sa senadora.
Ipinag-utos ng korte na makulong si De Lima sa PNP Custodial Center sa Crame, kasabay ng pagpapaliban sa Marso 10 sa pagdinig sa motion to quash na inihain ng senadora.
Sinabi ni Judge Guerrero na hindi niya maisagawa ang ruling sa motion to quash dahil nakapaghain na ng motion to reset the hearings ang mga prosecutor.
Samantala ang dalawang kaso sa droga ng senadora ay hawak nina Judge Amelia Fabros-Corpuz, ng Branch 205; at Judge Patricia Manalastas-De Leon, ng Branch 206.
Bukod kay De Lima, kasama rin sa mga ipinaaresto sa warrant sina dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos; at Ronnie Dayan, dating driver ni De Lima.
TULOY ANG TRABAHO
Samantala, patuloy pa ring magtatrabaho si De Lima bilang mambabatas, at ang hindi lamang niya magagampanan ay ang pisikal na pagdalo sa sesyon.
Nabatid na maaari pa ring pumirma si De Lima sa mga papeles, magpasa ng resolusyon at maging ang pagsasagawa ng committee hearings, gaya ng naging sitwasyon noon ni Sen. Antonio Trillanes IV na napiit dahil sa kasong rebelyon.
(LEONEL ABASOLA, FER TABOY at BELLA GAMOTEA)