Himalang nabuhay ang isang lalaking nasa drug watchlist ng Manila Police District (MPD)-Station 1 matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang naghahandang kumain ng hapunan sa Tondo, Maynila, nitong Biyernes.
Himalang nabuhay at ginagamot ngayon sa ospital si Jeffrey Po, 52, mekaniko, ng Llanes Escoda Street, Tondo, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa kanang balikat at leeg.
Samantala, mabilis namang nakatakas ang mga hindi nakilalang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo at inilarawang hanggang 5’6” ang taas, nasa edad 35, at balingkinitan.
Nabatid na naghahandang kumain ng hapunan ang biktima dakong 7:45 ng gabi sa loob ng kanyang bahay nang mapansing may nagbubukas ng kanilang gate, na nang kanyang usisain ay sinalubong siya ng dalawang putok ng baril.
Hinala ng biktima, isa sa kanyang mga kostumer bilang mekaniko ang posibleng may kagagawan ng krimen dahil nagalit umano ito sa kanya dahil natataasan umano sa kanyang siningil para sa serbisyo sa paggawa sa truck nito.
Gayunman, hindi pa rin isinasantabi ng awtoridad ang anggulong ilegal na droga sa krimen matapos matukoy na kilalang drug user ang biktima. (Mary Ann Santiago)