Hinamon ni IBF junior bantamweight champion Jerwin Ancajas ng Pilipinas sa unification fight ang kasalukuyang No. 1 pound-for-pound boxer ng The Ring Magazine at WBC super flyweight champion Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua.
May plano si Gonzalez na tatlong beses magdepensa ng korona sa taong 2017 na pangungunahan ng rematch sa inagawan niya ang korona na si WBC No. 1 Carlos Cuadras ng Mexico.
Ilan sa posibleng makalaban niya si WBO super flyweight champion Naoya Inoue ng Japan at ang kampeon ng WBA na si Panamanian Luis Concepcion pero tinalo ito kahapon ni Khalid Yafai ng Great Britan.
“Gusto ko talagang labanan si Chocolatito kasi kaya kong makipagsabayan sa kanya,” ani Ancajas na natamo ang IBF title sa pagpapabagsak sa 9th round kay Puerto Rican McJoe Arroyo upang magwagi sa puntos nitong Setyembre 3 sa Taguig City.
“Sa palagay ko malaki ang laban ko kay Chocolatito once pumayag siya na labanan ako.
Tiwala maging ang manedyer ni Ancajas na si Joven Jimenez na kaya ng alaga niyang boksingero ang lakas at bilis ng 29-anyos na si Gonzalez na may parpektong rekord na 46-0, kabilang ang 38 knockouts.
Nakatakdang kumasa ang 24-anyos na si Ancajas sa non-title bout sa Enero bago magdepensa ng kanyang korona sa kalagitnaan ng taon at umaasa sa unification bout kay Gonzalez bago matapos ang 2017.
Nakatira ngayon sa Cavite City ang tubong Davao del Norte na si Ancajas na may kartadang 25-1-1, tampok ang 16 knockouts. (Gilbert Espeña)