Nagpahayag ng pagkadismaya si Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) founder Manny “Pacman” Pacquiao kaugnay ng umano'y game-fixing na kinasangkutan ng Bacolod Masskara sa laban nito kontra Bacolod Kuyas noong Hulyo 28.
Lumutang ang mga espekulasyon matapos mapansin ng mga manonood ang matagal na scoring drought ng Masskara sa huling yugto ng laro, na nagtapos sa 100-64 panalo ng Kuyas.
Nag-viral din sa social media ang ilang video ng naturang laban, dahilan upang magsagawa ng imbestigasyon ang liga.
Kasunod ng isinagawang pagsusuri, ipinataw ng MPBL ang lifetime ban sa ilang manlalaro at coaches ng Bacolod Masskara dahil sa paglabag na may kaugnayan sa umano'y pagmamanipula ng laro.
Ayon sa liga, ang parusa ay kasunod din ng naunang yellow card na ipinataw sa koponan sa unang bahagi ng season.
Sa sidelines ng paglulunsad ng inaugural Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT) sa Makati City noong Biyernes, Hulyo 31, sinabi ni Pacquiao na hindi niya kinukunsinti ang anumang uri ng pandaraya sa liga.
"Sinasabi ko naman sa kanila na ang MPBL, nagbibigay ng kasiyahan sa larangan ng sports sa buong Pilipinas, sa mga Pilipino,” ani Pacman.
Iginiit din ng boxing icon na mahalagang mapanatili ang katapatan at integridad ng bawat manlalaro sa loob ng court.
"Ayaw ko yung mga may hokus-pokus na nangyayari na dinadaya yung mga tao. Gusto ko, mga players na maglaro with integrity and honesty,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Pacquiao, mahigpit na binabantayan ng MPBL ang bawat laro sa pamamagitan ng isang grupong itinalaga upang suriin ang mga laban at matukoy kung may mga kahina-hinalang pangyayari.
"Lagi akong nakasubaybay. In fact, may team akong binuo to oversee and review all the games every time na may laro,” giit ni Pacquiao.
Paliwanag pa niya, "May mga taong nakasubaybay diyan, pinag-aaralan yung mga laro kung may nagbebenta o wala."
Samantala, tiniyak ng MPBL na magpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente sa pakikipagtulungan sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kredibilidad, pagiging patas, at integridad ng liga.