Posibleng muling bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, habang inaasahan namang tataas ang halaga ng liquified petroleum gas (LPG) na ginagamit sa kabahayan ngayong buwan ng Agosto.
Batay sa apat na araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado, tinatayang magkakaroon ng bawas-presyo sa diesel at gasolina na maglalaro sa ₱0.50 hanggang ₱1.00 kada litro.
Mas malaki naman ang inaasahang rollback sa kerosene na maaaring umabot sa ₱1.50 hanggang ₱2.00 kada litro.
Samantala, kabaligtaran ang inaasahang galaw sa LPG. Tinatayang madaragdagan ito ng ₱3.67 kada kilo, katumbas ng humigit-kumulang ₱40.37 na dagdag sa presyo ng isang 11-kilogram na tangke.
Ayon sa oil industry, ang inaasahang rollback sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sa trading period mula Hulyo 27 hanggang Hulyo 31.
Sa panahong ito, bumaba ang presyo ng diesel ng ₱0.90 kada litro, gasolina ng ₱1.50 kada litro, at kerosene ng ₱2.00 kada litro.
Noong Hulyo 28, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng magkakaibang price adjustment kung saan tumaas ng ₱0.10 kada litro ang gasolina, habang bumaba naman ng ₱0.40 kada litro ang diesel at ₱0.70 kada litro ang kerosene.
Hinihintay pa ang pinal na anunsyo ng Department of Energy (DOE) sa Lunes, bago ipatupad ng mga oil company ang opisyal na pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo para sa susunod na linggo.