Inakusahan kahapon ni Speaker Pantaleon Alvarez si Sen. Leila de Lima na isang ‘serial liar’ matapos tumestigo sa Senado ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa at sinabing binigyan niya ang senadora ng P8 milyong payola.

“At bilib nga din ako kay Sen. De Lima. Talagang magaling siyang magsinungaling. I think she is really a serial liar,” sabi ni Alvarez sa live interview sa TV.

Ayon sa kanya, bagamat may ilang pagkakaiba ang testimonya ng mga testigo sa imbestigasyon ng House Committee on Justice hinggil sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison (NBP), nagkakaisa naman ang mga ito sa pagtuturo kay De Lima na sangkot sa ilegal na droga sa Bilibid.

“Kasi lahat na ng tao nagsasabi na may kaugnayan siya, nag-deliver ng pera sa kanya, tapos ngayon sasabihin niya, deni-deny pa rin niya, pambihira,” ayon pa kay Alvarez.

‘You were not elected here!’ Rep. Pulong, sinita paninigaw ni Bosita sa Davao

Bastos

Bilang sagot, sinabi naman ni De Lima na bastos at makitid ang utak ni Alvarez.

Aniya, si Alvarez din ang mismong nagsulong para ipalabas ang sinasabing “sex video” sa imbestigasyon ng kamara.

“Kung ganito po kabastos mag-isip si Ginoong Alvarez, hindi na talaga ako magtataka sa iba pang pambababoy at paninirang-puri na ibabato niya laban sa akin. Malinaw naman na ang tono ni Ginoong Alvarez ay kapareho rin ng kanyang Mahal na Poong Duterte. Naging bukambibig na nila ang husgahan at hiyain ako sa publiko kahit imbento lang naman ang kanilang mga ebidensya,” ani De Lima. (Bert De Guzman at Leonel M. Abasola)