Patay ang 3-anyos na lalaki habang sugatan naman ang isang pulis sa naganap na hostage taking sa Valenzuela City, kamakalawa ng tanghali.
Ayon kay Police Sr. Supt. Ronaldo R. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, dead on the spot si Roger Regalario, ng No. 438 Service Road, Rumasoro Compound, Barangay Parada ng nasabing lungsod, sanhi ng saksak sa dibdib.
Sugatan naman si PO2 Regor Germidia, ng Station Investigation Unit (SIU), matapos masaksak sa tiyan.
Ayon kay PO1 Jinky Liwag ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD), dakong 11:30 ng tanghali, lumabas ng bahay si Regalario para bumili ng rice cake.
Makalipas ang ilang sandali ay hinatak na ito ng suspek na si Prudencio Carandang, 74, biyudo, kapitbahay ng biktima at tinutukan ng patalim sa dibdib.
Panay ang pagmamakaawa ng ina ng biktima, ngunit nanlisik pa umano ang mga mata ng suspek at nagbantang papatayin ang paslit.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng WCPD, SIU at Police Community Precinct (PCP) 12, at kinumbinsi si Carandang na bitiwan ang bata hanggang sa lumapit si PO2 Germidia para kumbinsihin ang suspek, pero sinaksak siya nito sa tiyan at tuluyang inundayan ng saksak ang bata.
Sa puntong iyon, napilitan si PO3 Roberto Santillan na barilin ang suspek sa dibdib na naging sanhi ng pagkamatay nito. (Orly L. Barcala)