Kamag-anak ni Ronnie Dayan ang kokolekta sa P1 milyong reward na inilaan para sa kanyang ikadarakip, ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Sinabi ni VACC founding chairman Dante Jimenez na mga kamag-anak ni Dayan ang nag-tip sa kanyang pinagtataguan sa La Union.

Hindi naman binanggit ni Jimenez ang katauhan ng mga kaanak ni Dayan na nagkanulo sa kanya.

“Sa mga kamag-anak po namin ibibigay ang reward sapagkat ang condition naman po namin ay any lead that will lead to the arrest. Ang arrest naman po it doesn’t matter kung siya ay sumuko o siya ay nadampot,” paglilinaw ni Jimenez.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Si Dayan ay halos tatlong buwang nagtago hanggang masakote siya sa Sitio Turod, Guinguinabang, San Juan, La Union.

Dodong sa bundok

Ikinagulat pa ni Jun Espada, kapitan ng Barangay Lacong, na sa kanyang lugar nagtatago si Dayan.

Sinabi ni Espada na nagpakilala si Dayan sa kanilang lugar bilang Orlando o Dodong.

Nagtayo siya ng kubo sa lote na pag-aari ng kanyang pamangkin na si Jomar Dayan. Si Jomar din umano ang runner ni Dayan papunta sa palengke para bumili ng kanyang mga kailangan.

“Hindi kami makapaniwala dahil naging maganda naman ang pakikitungo niya sa amin,” ayon kay Espada. Hindi umano nila nakilala si Dayan dahil malayo ang personal na hitsura niya sa mga larawan.

Sa paligid ng kubo ni Dayan, maraming gulay at manok. Nag-umpisa na rin umano si Dayan na kumuha ng empleyado para magpatanim ng gulay.

Si Dayan ay nanalagi sa Sitio Bato, Bgy. Lacong, mataas na bahagi ng bulubunduking lugar.

Nitong Lunes ng umaga, nilusob ng pulisya ang lugar at nakuha si Dayan.

(Chito A. Chavez, Rommel P. Tabbad, at Erwin Beleo)