May nakakabiglang rebelasyon si Kerwin Espinosa hinggil sa illegal drug trade.
Ito ang inihayag ni Senator Manny Pacquiao nang makausap umano niya si Espinosa, na sinasabing drug lord sa Eastern Visayas.
“Hindi ko na siguro babanggitin mga sinasabi niya, magkakaroon naman siya ng affidavit. D’un na lang sa affidavit niya,” ani Pacquiao.
Samantala, pinabulaanan din umano ni Espinosa na siya ay drug lord.
“Hindi ko narinig sa kanya na drug lord siya, pero inamin niya na business nila ay drugs,” dagdag pa ng senador.
Handa umanong tumestigo si Espinosa at ilahad ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa kalakalan sa droga.
“Ready siya, willing siya at ang sabi niya sa akin, ‘Dahil pinatay nila ang tatay ko kaya sasabihin ko talaga ang mga kasabwat at mga tumanggap’,” pagbanggit ni Pacquiao sa pahayag ni Espinosa.
Magugunita na napaslang ang ama ni Kerwin na si Albuera Mayor Rolando Espinosa sa kulungan sa Baybay City, Leyte kamakailan.
Samantala ang batang Espinosa ay iimbitahin ng Senate Committee on Justice and Human Rights na mag-iimbestiga naman para alamin kung sino ang mastermind sa pagpatay sa alkalde.
“Ang tutumbukin ng Senate hearing, ay kung ang sanhi ng kanyang pagpatay ay dahil totoo ang sinasabi niya (sa affidavit). Kapag mapatunayan ni Kerwin ‘yun, hahanapin ngayon natin kung sino ang nagpapatay. Malalaman natin ‘yan.
Lahat ‘yan ngayon suspect,” ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng komite. (Hannah L. Torregoza)