Ilang tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ng isang family driver habang sugatan naman ang isang musmos na babae makaraang tamaan ng ligaw na bala sa pananambang ng riding–in-tandem sa Quezon City, iniulat kahapon.
Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, kinilala ang biktima na si Rommel Dela Cruz, 40, ng Block 1, Lot 13, Country Homes, Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Namimili umano ang biktima sa talipapa sa Geronimo Extension, Bgy. Bagong Silangan nang sumulpot ang mga suspek at pinagbabaril ang una na duguang bumulagta.
Nadaplisan naman ng bala si Brienya Duazon, 3, na abala sa paglalaro nang mangyari ang insidente.
Ayon sa maybahay ng bikitma, ayaw ipabanggit ang pangalan, dating gumagamit ng ilegal na droga si Dela Cruz at nagbagong buhay na ito. (Jun Fabon)