“’Wag tularan, pusher ako.” Ito ang mga katagang nakasulat sa isang papel na natagpuan sa tabi ng isang lalaki na binaril ng ‘di pa nakikilalang suspek sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dakong 11:40 ng gabi nang matagpuan sa Zamora Bridge, sa Bacood, Sta. Mesa, ang bangkay ng biktima na inilarawang nasa edad 30 hanggang 35, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na t-shirt at puting denim shorts.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Roy Magsino na isinumite sa tanggapan ni Police Supt. Olivia Sagaysay, ng Manila Police District (MPD)-Station 8, naglalakad si Sonny Aranas sa Zamora Interlink bridge sa Zamora Street, sa Bacood, nang marinig niya ang sunud-sunod na putok ng baril.
Nang kanyang tingnan ang pinagmulan ng mga putok, nasilayan niya ang biktima na nakahandusay at naliligo sa sarili nitong dugo.
Isinugod pa umano sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima ngunit patay na ito dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng suspek, gayundin ang motibo sa pagpatay. (Mary Ann Santiago)