Walong tama ng bala sa ulo at katawan ang tumapos sa buhay ng isang babae na umano’y tulak ng ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng anim na armadong lalaki sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Myra Frias y Sta Ana, 47, ng No. 26 Cinco De Junio, Barangay 195, Zone 20, ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Managament Branch ng Pasay City Police, dakong 9:50 ng gabi nangyari ang pamamaril sa loob ng bahay ni Frias sa nabanggit na lugar.
Nag-iisa ang biktima sa bahay nang biglang pasukin at pagtulungang barilin ng ilang beses sa ulo at katawan ng mga suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Agad tumakas ang mga suspek sakay sa tatlong motorsiklo na walang plaka.
Sa pahayag sa awtoridad ng nakababatang kapatid ni Frias na si Aida Rasonable, 42, nasa labas siya ng bahay nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril at nakitang nagmamadaling umalis ang anim na lalaki na pawang nasa edad 30 hanggang 40, nakasuot ng sumbrero, itim na maskara, polo at maong na pantalon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga si Frias at kabilang sa drug watch list ng kanilang barangay.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang siyam na basyo ng bala ng .9mm na baril na hinihinalang ginamit sa pamamaril.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)