August 26, 2026

Home BALITA National

VP Sara, sinabing lubog PH sa baha; Palag ng Palasyo, ‘Totoo naman, kitang-kita sa Davao City!’

VP Sara, sinabing lubog PH sa baha; Palag ng Palasyo, ‘Totoo naman, kitang-kita sa Davao City!’
Photo courtesy: RTVM/YT, Inday Sara Duterte/FB


Hindi pinalampas ng Malacañang at binuweltahan nito ang pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa tila paglubog umano ng bansa sa baha.

Kaugnay ito sa statement na inilabas ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Agosto 26, kung saan binanggit niya sa isang bahagi nito na lubog na umano ang bansa sa baha, ngunit tila wala pa rin umanong mananagot sapagkat iba raw ang prayoridad ng administrasyon.

“Mga kababayan, lubog na ang bansa sa baha at kahirapan, pero tila walang mananagot, dahil ang impeachment, ang paghati-hatian ang 2027 budget, at ang paghahanda kung papaano baliin ang Constitution para manatili sa puwesto ang prayoridad ng administrasyon at lahat ng kaalyado nito,” saad ni VP Sara.

MAKI-BALITA: VP Sara sa mga tumawag sa kaniya ng 'mastermind of a scam,' 'brat': ‘Prove it with evidence!’-Balita

Sa press briefing namang ikinasa ng Presidential Communications Office (PCO) nito ring Miyerkules, idiniin ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na totoo naman daw ito, sapagkat kitang-kita umano ito sa Davao City.

“Doon po sa lubog na ang bansa sa baha, totoo naman po, kitang-kita po natin ito sa Davao City,” saad ni Usec. Castro.

Ito raw ang dahilan kung kaya’t agad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagsasaayos ng malalang baha sa nasabing lugar. 

“Kaya nga po nagpabigay na agad ng utos ang Pangulo kay Secretary Vince Dizon na ayusin ang malalang pagbabaha sa Davao City. Nakita po ni Secretary Vince Dizon na mayroong isang proyekto doon na 2019 pa ay ‘hindi naaayos; at sa sampung taon, ay walang dredging na ginawa. Kaya po inutos ng Pangulo, agad-agad itong ayusin para sa mga kababayan natin sa Davao City,” aniya.

Dagdag pa niya, “Kung pananagutan lang din naman po ang pag-uusapan, of course, nagsalita na rin po si Ombudsman Boying Remulla na magsisimula na rin po sila sa pag-iimbestiga tungkol sa malaking pondo dito sa Davao City—at tinuturing na epicenter ng mga flood control projects…pero hindi naman po niya ibig sabihin na mayroon na agad isyu ng korapsyon.”

MAKI-BALITA: Davao City, epicenter ng flood control projects—Ombudsman-Balita

Sinagot din ng press officer ang pahayag ng Pangalawang Pangulo hinggil naman sa pagpapatunay sa “impeachable offense,” na dapat daw patunayan base sa ebidensya.

“Kahapon ay mas lalong naipakita ang mga ebidensya kung saan ang Bise Presidente ay siyang may alam mula sa pagwi-withdraw ng pera, hanggang sa paggastos, hanggang sa pagbibigay ng report,” anang press officer.

“So, lahat ng activities patungkol dito sa confidential funds ay inamin mismo ng kaniyang tauhan, sa katauhan po ni Mr. Lemuel Ortonio, na lahat ng ito ay alam ng Bise Presidente. So, ito naman po ay nagpapakita ng ebidensya—hindi lang mga ad hominem na mga pananalita,” dagdag pa ni Usec. Castro.

Inirerekomendang balita