Idinawit ng opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga lokal na opisyal ng Leyte sa ‘Espinosa drug group’.
Ang pagdawit ay isinagawa ni Chief Inspector Leo Laraga, ang team leader ng CIDG na sumalakay at nakapatay kina Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa, at Raul Yap sa isang shootout sa loob ng Baybay sub-provincial jail sa Baybay, Leyte.
“May mga personality na involved doon sa Espinosa drug group mismo galing din ito sa region na — nabanggit na rin ito ni late Mayor Espinosa regarding doon sa mga pulitiko na involved and at the same time, ‘yung mga nasa...’yung sa Baybay City is involved. 'Yung vice mayor ng Baybay City, allegedly 'yung governor ng Leyte, the mayor of Ormoc City, and the congressman of the third district of Leyte,” ani Laraga.
Sa puntong ito, iginiit ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na dapat pangalanan na ang mga isinasangkot, at dito tinukoy ng opisyal sina Baybay Vice Mayor Mike Cari, Rep. Vicente Veloso, Leyte Governor Leopoldo Petilla, at Ormoc Mayor Richard Gomez.
Inamin naman ni CIDG Regional Director Supt. Marvin Marcos na kamag-anak niya ang mamamahayag na si Ellaine Jimena, na sinasabing sangkot din sa grupo.
Kinumpirma naman ni Albuera Municipal Police chief Inspector Jovie Espenido ang sinabi ni Laraga, at ito daw ay nakita niya sa “blue book” ni Espinosa at “pink book” naman na pag-aari ni Kerwin, ang anak ng napaslang na alkalde.
Itinanggi na nina Veloso, Petilla ang akusasyon habang wala namang pahayag pa ang kampo ni Gomez.
Sinabi naman ni Senator Panfilo Lacson na napakahalaga ng buhay ngayon ni Erwin Espinosa na naaresto sa Abu Dhabi, lalo pa at may sarili din itong listahan ng mga may kinalaman sa droga.
Kaugnay nito, naniniwala si Senator Panfilo Lacson na planado ang pagpaslang kay Espinosa.
“There’s one way to describe this -- premeditated,” ayon kay Lacson.
Maging si PNP Deputy Director Benjie Magalong ay naniniwalang maraming paglabag ang mga operatiba ng CIDG sa nasabing insidente.
Sinabi rin ni Superintendent Victor Ongkiko, Eastern Visayas PNP Internal Affairs, na may mga nakalap silang ebidensya na nagmakaawa pa si Espinosa nang pumasok na ang mga pulis.
“Sinabi ng inmate doon sa Cell 2, pagkapasok ng dalawang tao sa selda ni Mayor Espinosa, narinig niya ang sinabi ni Mayor Espinosa na, ‘Sir, ‘wag n’yo akong planteran, wala akong baril,’ at nagmamakaawa, sabi noong inmate sa Cell No. 2. At nag-request pa si Mayor na iihi, pero sinabi, ‘huwag na.’ After a few seconds, biglang may pumutok,” ani Ongkiko.
Inamin ni Laraga na siya ang bumaril at nakapatay kay Espinosa habang ang kasamahan niya ang nakapatay naman kay Yap.
(Leonel M. Abasola)