Tatlong katao, kabilang ang mag-live-in partner, ang inambush sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga napatay na sina Michael Dauz, 39, kinakasama niyang si Jennifer Mendoza, 36, at isang alyas “Soneyo”.
Base sa report, dakong 9:00 ng gabi, sakay sa tricycle ang mag-live-in partner at binabaybay ang kahabaan ng Phase 9, Package 1, Bagong Silang.
Sinalubong sila ng riding-in-tandem at walang habas na pinagbabaril hanggang sa tamaan ang dalawang biktima sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis na tumakas ang mga salarin at hindi idinamay ang driver ng tricycle.
Pinagbabaril din ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki si “Soneyo” habang nag-aabang ng masasakyang tricycle sa Package 1, Bagong Silang, dakong 10:00 ng gabi.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktima. (Orly L. Barcala)