Sinibak sa puwesto ni Northern Police District (NPD) Director Sr. Supt. Roberto Fajardo ang isang pulis matapos ireklamo ng mga residente dahil umano sa pangho-holdap at panunutok ng baril sa Malabon City, nitong Miyerkules ng hapon.
Si PO2 Rosco T. Tiodicio, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 3 ng Malabon Police Station, ay dinismiss dahil sa patung-patong na kaso, at kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon.
Wanted din ang asset ni Tiodicio na kinilalang si Net Zaranga na madalas umano niyang kasama sa lakarang ilegal.
Ayon kina Annabele Sta. Rosa at Janneth Cahilis, ng Barangay Longos, Malabon City, dalawang lalaki na parehong may baril ang nagsagawa ng “Oplan Tokhang” at hinuli ang mga kabataang naglalaro ng cara y cruz.
Nakasuot ng dilaw at pink na t-shirt ang dalawang nagpakilalang mga pulis nang manghuli, ngunit sa halip na ikulong, kinuha lang umano ng dalawa ang cell phone at pera ng mga nagsusugal.
Isa sa mga nakuhanan ng pera at cell phone ang anak ni Cahilis, habang si Sta. Rosa naman ay minura at tinutukan ng baril ng lalaking nakasuot ng pink na t-shirt matapos umanong tumanggi ang ginang na papasukin sa kanyang bahay ang dalawa suspek.
Lingid sa kaalaman ng dalawang lalaki, kinukunan sila ng video ng mga residente at kaagad pinapanood sa PCP 3 at dito nakilala sina Tiodicio at Zaranga. (Orly L. Barcala)