Limang tauhan ng Makati Police Station (MPS) ang ipinadala ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa Sulu dahil umano sa pangongotong sa isang dayuhan.
Hindi na pinangalanan ni Dela Rosa ang limang pulis.
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya kinukunsinti ang ganitong uri ng mga pulis.
Kabilang umano sa isinasangkot sa pangongotong ang isang police senior inspector at apat na police non-commissioned officer (PNCO).
Sa reklamo ng isang Singaporean, hiningan umano siya ng malaking halaga ng isang retiradong police major na dating security officer sa residential building na kanyang tinitirhan.
Dahil dito, tiniyak ni Dela Rosa na ibibitay niya nang patiwarik ang mga pulis na patuloy na sumisira sa imahe ng pulisya gaya ng pangongotong.
Panawagan sa publiko ng PNP chief na agad isumbong ang mga pulis na gumagawa ng ilegal na aktibidad. (FER TABOY)