Isang ‘di pa nakikilalang babae ang pinagbabaril at napatay ng dalawang lalaki na kanyang nakatalo sa Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Dayo lang umano sa lugar ang biktimang inilarawang nasa edad 20 hanggang 25, 4’8” ang taas, nakasuot ng pink na bestida at checkered na shorts, navy blue na tsinelas, at asul na relo.
Agad umanong tumakas ang dalawang suspek nang makitang bumulagta ang biktima.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:00 ng umaga nangyari ang pamamaril sa Railroad Street, Barangay 650, sa Port Area, Maynila.
Nauna rito, nag-uusap ang biktima at mga suspek sa lugar nang mapansing nagkakasigawan na ang magkabilang panig hanggang bumunot na ng baril ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima. (Mary Ann Santiago)