Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtutuluy-tuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko, gayundin ang kampanya ng ahensya laban sa pagkakalat at jaywalking habang ginugunita ang Undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1 at All Souls’ Day sa Nobyembre 2.
Sinabi ni Tim Orbos, MMDA officer in charge (OIC), na nasa 2,886 na kawani, kabilang ang mga traffic enforcer, towing at clearing group, at clean-up crew, ang ipakakalat ng ahensya sa Metro Manila kaugnay ng “Oplan Kaluluwa” sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Ayon kay Orbos, nagpulong nitong Lunes ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) upang masiguro ang maayos at mapayapang paggunita sa Undas sa Metro Manila.
Partikular na tututukan ng ahensya ang apat na pinakamalalaking sementeryo sa Metro Manila: ang Manila North, Manila South, Loyola Memorial Park sa Maynila at Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Prioridad naman ang pagsasaayos ng trapiko sa paligid ng mga bus terminal sa Araneta Center, Cubao sa Quezon City; EDSA-Cubao; EDSA-Taft, at Sampaloc sa Maynila; EDSA-Balintawak, Dangwa at Mindanao Avenue.
(Anna Liza Villas-Alavaren)