Mas maraming Pilipino ang kakaunti lang ang tiwala sa China, sa gitna ng pagpihit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa foreign policy ng bansa, kung saan mas pinili niya ang China kaysa sa Estados Unidos.
Sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre 24-27, 55 porsiyento sa 1,200 respondents ang nagsabing mayroon silang ‘little trust’ sa China, 10 porsiyento ang undecided, at 22 porsiyento naman ang may ‘much trust’ sa nasabing bansa.
Sa nasabing bilang, ang China ay nakakuha ng net trust rating na ‘bad’ -33, mas mababa kaysa -24 trust rating nito noong Hunyo.
Sinabi ng SWS na sa 40 surveys nito sa China, pitong beses lang naging positibo ang public trust, isa na rito ang naitala noong 1994.
Nakakuha ng pinakamataas na trust rating na +17 ang China noong Hunyo 2010 at ang lowest rating nito na -46 ay naitala noong Setyembre 2015.
Samantala ang United States (US) pa rin ang may pinakamataas na public trust rating sa bansa.
Sa survey, nakakuha ito ng +66 (76 percent much trust, 11 percent little trust), kasunod ang Australia na may +47 (62 percent much trust, 15 percent little trust), at Japan na may +34 (56 percent much trust, 21 percent little trust).
(Ellalyn B. De Vera)