Kulungan ang bagsak ng dalawang bagitong pulis matapos umano nilang tutukan ng baril ang isang grupo ng mga lalaki sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong attempted homicide, physical injury, grave threat, drunk and disorderly conduct at Republic Act 7610 ang mga suspek na sina PO1 Jervy Fusilero, 28, ng 54 Barangka Ibaba, Mandaluyong City at PO1 Michael Galut, 33, ng 1120 Vergara Street, Quiapo, Maynila at kasalukuyang nakakulong sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS).
Inaresto ang suspek matapos ireklamo ng mga biktimang sina Raymond Mendoza, 20; Reynaldo Santos, 17; Henson Resma, 18; Ronald Buela, 25; at Christopher Dinglasan, 24, pawang mga residente ng Evangelista St., Quiapo, Maynila.
Sa imbestigasyong isinumite ni SPO2 James Poso kay Police chief Insp. Arsenio Riparip, nabatid na bago ang insidente ay nagtungo ang mga biktima sa Bgy. 307, Zone 30, upang isauli ang mga gamit na kanilang hiniram para sa birthday celebration ni Mendoza.
Gayunman, pabalik na sila sa kanilang puwesto sa Sales Street at naglalakad sa kanto ng Estero Segado St., kanto ng Paterno sa Quiapo, nang harangin sila ng mga suspek na kapwa lasing at tinutukan ng baril.
Napaatras umano ang grupo maliban kay Mendoza na nahawakan sa kuwelyo ni Galut.
Dahil dito, binalikan nila si Mendoza na nakita nilang hinahabol ng mga pulis habang may nakatutok na baril kaya’t sinundan nila ang mga ito.
Gayunman, sila naman ang pinagbalingan at tinutukan ng baril ng mga suspek kaya’t tumakbo umano sila at nagpasaklolo sa mga pulis ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
(Mary Ann Santiago)