BIBIGYANG-BUHAY buhay ni Albie Casiño ang kuwento ng isang trangender na ilang beses na sinubok ng tadhana sa paghahanap ng tunay na pag-ibig sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi.
Mula pagkabata, alam na ni Bong (Albie) na ang puso niya ay tumitibok para sa kapwa niya lalaki, ngunit itinatago niya ito dahil na rin sa takot sa kanyang amang si Fernando (Mike Lloren). Ngunit nang pumanaw ang ama, nagkaroon siya ng tapang na ipakita ang kanyang tunay na pagkatao, na agad din namang tinanggap ng kanyang inang si Lolet (Malou de Guzman).
Sa kanyang paglaki, nakilala at naging nobyo niya si Nick (Neil Coleta). Kahit tumulak si Bong papuntang Madrid para makipagsapalaran habang si Nick naman ay naiwan sa Pilipinas at nag-seaman, tuloy pa rin ang kanilang pagmamahalan.
Hanggang sa nalaman ni Bong isang araw na si Nick pala ay nagpakasal na sa isang babae. Matinding sakit ang idudulot nito kay Bong. Ngunit sa kanyang paghilom, makikilala niya si Carlos (Luke Jickain), isang Espanyol na handa siyang pakasalan.
Si Carlos na kaya ang lalaking hinahanap niya? Paano kapag nagkrus uli ang landas nila ni Bong?
Kasama rin sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado sina MC Calaquian, Jomar Santilices, JM Ibañez, Dexie Daulat, Helga Krapf, Marnie Lapus, at Lollie Mara, mula sa direksiyon ni Dado Lumibao at panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badahyos.