Ibinahagi ng Department of Environment and Natural Resources - Mines and Geoscience Bureau (DENR-MGB) sa isang abiso nitong Martes, Agosto 25, na aabot sa 2,784 barangay sa bansa ang maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa posibleng pananalasa ng habagat ngayong linggo.
Batay sa inilabas nilang geohazard advisory for southwest monsoon, na mababasa sa Facebook page ng DENR-MGB Operations Center, balido ang naturang datos mula noong Lunes, Agosto 24, hanggang sa darating na Huwebes, Agosto 27, dakong 8:00 ng gabi.
Anang ahensya, nakabase ito sa rainfall forecast ng Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) sa susunod na tatlong araw; at maging sa kanilang geohazard susceptibility maps.
Kaugnay nito, nagbaba rin ng ilang babala ang DENR-MGB sa kung ano nga ba ang dapat na gawin hinggil dito.
Anila, nararapat na bantayan ng bawat isa ang pagtaas o pagbaba ng baha; iulat ang anumang senyales ng paggalaw ng lupa; at ipaalam sa awtoridad ang mapapansing bitak o crack sa mga pader, maging ang mga nakatagilid na sahig o poste.
Anang ahensya, dapat din daw na maging alerto ang publiko sa matinding pag-ulan; alamin ang emergency exits at safe zones; sundin ang emergency procedures ng lugar; at manatili at tulungan ang kapwa na maging ligtas.
“Antabayanan ang mga susunod na advisory para sa mga pagbabago sa ulat ng panahon,” saad ng DENR-MGB.
Noong nakaraang linggo, matatandaang nanalasa rin ang habagat sa malaking bahagi ng bansa—partikular na sa Luzon—na nagdulot ng matinding pag-ulan at pagbaha.
Photo courtesy: MGB Geohazards Operations Center/FB