Inabisuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko hinggil sa pagiging responsable kaugnay sa mga umano’y kumakalat na Artificial-Intelligence (AI)-generated photos ng mga sibilyang nakasuot ng police uniform.
Sa paalalang inilahad ng PNP sa kanilang Facebook post noong Lunes, Agosto 24, idiniin ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pagiging kapaki-pakinabang ng AI. Gayunpaman, nararapat daw itong gamitin sa wastong paraan at may pag-iingat.
“AI is a useful tool, pero kailangan pa rin nating maging maingat sa kung ano ang ipinapakita at ipinapakalat natin online,” saad ni Nartatez.
Aniya, “Kapag police uniform ang gamit sa isang generated image, dapat malinaw na hindi ito tunay na police personnel. Simple lang ang punto—enjoy the technology, but do it responsibly.”
Giit ng hepe, ang uniporme ng mga pulis ay hindi lamang simpleng kasuotan—ngunit tangan nito ang isang responsibilidad sa komunidad at sambayanan.
“Para sa aming mga pulis, ang uniporme ay hindi lang simpleng kasuotan. Kapag isinuot mo ito, dala mo ang isang tungkulin at responsibilidad sa taong-bayan. Kaya mahalaga na hindi ito magamit sa paraang maaaring magbigay ng maling pagkakakilanlan o impresyon sa publiko,” anang hepe.
Kaugnay nito, ipinaliwanag din ng ahensya ang hindi awtorisadong pagsusuot ng police uniform o insignia, kabilang na ang pagpo-post online ng AI-generated contents hinggil dito.
Anila, ang mga ito ay mga legal na implikasyon, sa ilalim ng Article 179 of the Revised Penal Code (RPC), o ang “Illegal Use of Uniforms or Insignia,” in relation to Section 6 of Republic Act (RA) No. 10175 (Cybercrime Prevention Act).