Umaabot sa P10 milyong drug money ang umano’y ibinigay ni convicted kidnapper at carnapper Jaybee Sebastian, kay Senator Leila de Lima noong panahon ng eleksyon.
Itinuro din ni Sebastian si Joenel Sanchez, miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na dating aide ni De Lima, ang siyang may relasyon sa huli.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa House Committee on Justice, sinabi ni Sebastian na bago mag-Pasko noong 2009, nagbigay siya ng P2 milyon kay Sanchez.
Tatlong araw matapos ang December 16, 2014 raid sa Bilibid na pinangunahan ni De Lima, hiniling umano sa kanya ni Sanchez na mag-raise siya ng campaign fund para sa Senadora, ayon pa kay Sebastian.
Nang magbigay ng P2 milyon, tumawag umano si Sanchez sa kanya at ipinakausap si De Lima na nagpapasalamat sa ‘Christmas gift.’
“Sinabi n’ya (Joenel) na “Pare may kakausap sa’yo naka-loud speaker ka. May narinig ako sa kabilang linya na boses ng babae na kaboses ni Secretary De Lima at sinabi niya sa akin na “Jaybee Merry Christmas” at sumagot naman ako na “Merry Christmas din po mam, natanggap n’yo po ba ang regalo ko sayo? at sumagot naman si Secretary na “Yes, Jaybee, Merry Christmas’.”
Noong Enero 8, 2015, nag-text na naman umano sa kanya si Sanchez at nagsabing ihanda na niya ang pera dahil darating si De Lima para sa command conference.
“Agad akong naghanda ng dalawang milyong piso at ito ay nilagay ko sa paper bag. Habang ako ay naghihintay na ipatawag ni Junel at ni Secretary de Lima ay may naghagis ng granada malapit sa lugar ko, na siyang naging dahilan ng pagkamatay ng isa sa aking mga kakosa at pagkasugat ng labingsiyam sa kanila,” ayon pa kay Sebastian.
Ibinartolina ang lahat ng inmates, samantala si Sebastian ay ipinatawag umano at pinapunta sa tanggapan ni dating Bureau of Corrections chief Francis Bucayu.
Doon nakiusap umano si Sebastian na panatilihin siya sa maximum security compound.
“Noong paalis na ako, sinabi ko kay Secretary De Lima na “Mam may ibigay ako sa ’yong pera, paano to? Kay Junel ko ba iabot ito? Sumagot naman si Secretary De Lima na “hindi ko kasama si Junel ngayon, iwan mo na lang dyan.”
Noong Pebrero 2015, kinausap umano uli siya ni Sanchez. “Simula ng buwan ng Marso hanggang Mayo taong 2015 ako ay nakapagbigay ng kabuuang halaga sampung milyong piso kay Junel para sa pondo sa darating na eleksyon ni Secretary Leila de Lima hanggang sa sinabi n’ya sa akin na 5M na ang monthly quote ko,” ayon kay Sebastian.
Pinabulaanan din ni Sebastian na asset siya ng gobyerno.
(Charissa M. Luci, Leslie Ann G. Aquino at Leonel M. Abasola)