Ngayong linggo na sisimulan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pagpapasara sa mga kumpanya na nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon o “endo” (end-of-contract) sa kanilang mga manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, maaari nila itong isagawa bago ang kanyang pag-alis patungong Oslo, Norway sa Huwebes para sa pagpapatuloy ng peace talk sa mga rebelde.

Naglabas na aniya ng direktiba ang DoLE sa regional offices na ipatupad ang shutdowns sa lalong madaling panahon.

Agad na umalma ang mga grupo ng mga negosyante. Katwiran nila, dapat munang linawin ang pakahulugan ng DoLE kung ano ang bumubuo sa mga end-of-contract scheme.

Eleksyon

Angelu De Leon, mas pagbubutihin ang serbisyo sa Pasig

“Palagi naming sinasabi na ang ‘endo’ ay ilegal, at sinusuportahan namin ang pamahalaan diyan,” pahayag ni Sergio Ortiz-Luis Jr., honorary chairman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at presidente ng Philippine Exporters Confederation Inc.

“Ngunit ang aming tanong ay kung ano talaga ang kahulugan ng ‘endo’? Ang ilang mga tao sa DoLE ay may iba’t ibang sinasabi. Kaya, ang aming problema sa komunidad ng negosyo ay kung ano ba talaga ang tunay na endo? “ dagdag pa niya.

Nagbabala si Bello sa malalaking kumpanya na mayroong 7,000 ‘endo’ workers, na sumunod sa regulasyon ng paggawa o mahaharap sa agarang pagsasara. (Mina Navarro)