Nalagutan ng hininga ang isang basurero matapos mahulog mula sa kinauupuang trak ng basura nang sumabit sa kanyang leeg ang nakalaylay na kable sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Jonel Cataylo, 25, binata, ng Building 26, Unit 119, Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat ni SPO4 Marco Saunar, may hawak ng kaso, ng Manila Police District (MPD)-Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nangyari ang aksidente dakong 2:40 ng madaling araw sa southbound lane ng Lacson Avenue sa Sampaloc, bago dumating ng Nagtahan flyover.
Sa salaysay ng saksing si Jovanie Ybanes, kasamahan sa trabaho ng biktima, nakasakay sila sa ibabaw ng isang Isuzu Garbage Compactor na may plakang ABJ-9136, at pagsapit umano sa naturang lugar ay sumabit sa leeg ng biktima ang nakalaylay na kable dahilan upang mahulog ito mula sa trak. (MARY ANN SANTIAGO)