ZAMBOANGA CITY – Nabawi na ng mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) Sulu sa isang liblib na lugar sa Barangay Upper Kamuntayan, Talipao, Sulu, ang naaagnas na bangkay ng Canadian na si Robert Hall, na pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf matapos mabigong magbayad ng ransom.
Sinabi ni Western Mindanao Command (WesMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr.na bumulaga sa mga residente sa Barangay Upper Kamuntayan ang katawan ni Hall kaya agad itong ipinaalam sa pulisya at militar.
Matatandaan na Hunyo 13 nang pinugutan si Hall ng Abu Sayyaf matapos mabigo ang pamilya nitong magbayad ng P300-milyon ransom.
Natagpuan ang ulo ng biktima sa harap ng Jolo Cathedral nang araw din na iyon.
Sinabi ni Tan na dinala ang katawan ni Hall sa JTG Sulu Headquarters sa Barangay Busbus sa Jolo, upang sumailalim sa awtopsiya at dokumentasyon bago inilipat sa pangangalaga ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operations (PNP-SOCO).
Kabilang si Hall sa apat na kataong dinukot ng mga armadong lalaki sa Ocean Vice Resort sa Barangay Camudmud, Samal City, Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015.
Tanging si Kjartan Sikkengstad na lang ang natitirang bihag ng Abu Sayyaf matapos unang pugutan si John Ridsel, isa ring Canadian, noong Abril 25; at pinalaya naman si Marites Flor, isang Pinay, kamakailan. (Nonoy E. Lacson)