CEASEFIRE ● Sa Tacurong, Sultan Kudarat, nagdaos kamakailan ng fireworks diplay sa pangunguna ng pamahalaang lungod na bahagi ng selebrasyon ng Inugyunay Festival. Naku, hindi magkamayaw ang mga residente, lalo na ang mga bata at isip-bata sa tuwa sa makikislap, maiingay, at nakagugulat na mga kuwitis at paputok. Ngunit kinabukasan, lumatag ang napakaraming vendor ng paputok sa mga lansangan. May nakapagsabi na ginawang legal ito ng pamahalaang lungod upang makadagdag sa kita ng pamahalaan at para sa kabuhayan ng industriya ng pagawaan ng paputok sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga permit. Ngunit ang permit na iyon ay may kaakibat na panuntunan.
Na kinakailangang dokumentado ang pinagmulan ng ibebentang paputok. Na isasailalim sa masusing inspeksiyon ng PNP ang naturang mga paninda na nagbabawal sa ilang produkto tulad ng Watusi, Pla-pla, Picollo, Goodbye Philippines, Super Lolo at iba pa. Ngunit ang pinakamalaking surpresa ng mga awtoridad, na noong Araw ng Pasko, kakaunti lang ang tumangkilik ng mga paputok kung kaya wala namang naiulat na nasaktan sa pagdiriwang. Sa kabila nito patuloy pa rin ang panawagan ng sektor ng kalusugan na iwasang magpaputok lalo na sa pagsalubong ng Bagong Taon. “Ceasefire” na muna, ang kanilang payo at tumatalab din naman pala ang pakiusap sa mga taga-Sultan Kudarat.
***
NABUBULOK NA LANG ● Dahil sa sobrang laki ng supply, may mahigit kalahating milyong pisong halaga ng iba’t ibang gulay ang nagabulok sa Benguet. Pagkarami-raming repolyo ang nangabulok na lamang sa trading post sapagkat wala halos bumibili. Ano ba ang problema sa repolyo ng Benguet? Tone-toneladang repolyo ang ibinagsak isang araw bago mag-Pasko sa trading post at ibinagsak din ang presyo sa P2 kada kilo, ay 600 kilo lamang ang nabili. Minaapat na lamang ng ilang magsasaka na ipamigay ang naturang repolyo kaysa mabulok na lamang. Hindi biro ang pagkalugi ng mga magsasaka. Base sa monitoring ng Benguet Farmers Marketing Cooperative, mula sa 1 milyon kilo ng gulay na pumasok ngayon sa trading post ay tiyak na kalahati lamang ang maibebenta. Bumaba raw ngayong taon ang demand sa gulay. Hindi sana problema sa ngayon ang over production kung mabilis ang hakot ng mga buyers papuntang lowland areas.