Tiniyak ng Department of Health (DoH) sa publiko na handang-handa na ang lahat ng ospital ng gobyerno sa bansa upang tumugon sa anumang emergency kaugnay sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon, partikular na sa posibleng firework at firecracker-related injuries.
Ayon sa DoH, handa na ang mga pagamutan na magkaloob ng kinakailangang antibiotic at antitetanus shots sa mga masusugatan dahil sa paputok.
“Handa ang DoH na gamutin ang sinuman sa naputukan,” bahagi sa statement ng DoH.
Kaugnay nito, batay sa Paputok Injury Registry report ng DoH, simula Disyembre 21 hanggang 26 ay umaabot na sa 73 ang nasugatan sa paputok.
Ang pinakapangunahing dahilan ng pagkasugat ay piccolo, na ang kalimitang biktima ay mga paslit, sumunod ang five star, luces, at boga.
“Majority (68 percent) of the injuries were caused by piccolo, which is an illegal firecracker,” pahayag ng DoH.
Kabilang sa mga nasugatan ay mga batang may edad 10 pababa.
Minor injuries ang tinamo ng 59 sa mga biktima, 5 ang kinailangang putulan ng kamay habang siyam naman ang nagtamo ng sugat sa mata.
Sa kabila naman nang paglobo ng bilang ng mga nasusugatan sa paputok, iniulat ng DoH na mas mababa pa rin ang naturang bilang na 89 kaso o 55% kumpara sa naitala nilang kaso noong nakaraang taon sa kahalintulad na petsa.
Pinakamaraming naitalang sugatan ay sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 23 kaso o 32 percent at sinundan naman ng Northern Mindanao (9) at Davao Region (6).
Sa Metro Manila, ang Maynila ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na pumalo sa 10 at sumunod ang Pasig City na may 6 na sugatan sa paputok.