Ni LIEZLE BASA IÑIGO

BOLINAO, Pangasinan – Isang negosyante na pinaniwalaang binagabag ng pangungulit sa telepono ng isang babae at ng kanyang iniindang sakit ang namatay makaraang tatlong beses na pagtangkaan ang sariling buhay noong Pasko.

Kinilala ni Chief Insp. Marcos Anod, hepe ng Bolinao Police, ang nagpatiwakal na si Elmer Ibarra, 45, ng Concordia, Bolinao.

May isang tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo si Ibarra matapos siyang magbaril sa sarili gamit ang isang .9mm pistol dakong 1:45 ng hapon nitong Huwebes, araw ng Pasko.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Sinabi ni Anod na ang pagbaril sa sarili ang huli sa tatlong beses na pagtatangka ni Ibarra sa sariling buhay nang araw na iyon—tumalon siya sa hagdan sa umaga at nag-overdose ng gamot bandang tanghali.

“Bago pa nagpakamatay ang biktima sa pagbaril sa ulo ay nagtungo pa siya sa pagamutan sa Alaminos kasama ang kanyang pamilya at doon ay nagawa niyang tumalon sa hagdan kaya nagkaroon siya ng mga sugat. Nasundan pa ito sa kanilang pag-uwi sa Bolinao; uminom siya ng maraming gamot, at sa huli ay nagbaril na nga sa sarili,” sinabi ni Anod nang kapanayamin sa telepono.

Batay sa paunang imbestigasyon, bago ang pagpapatiwakal ay naikuwento ni Ibarra sa sariling ina kung paano siya nagagambala sa mga tawag at text sa telepono ng isang babae.

“May babae na nagtatatawag at nagte-text na gumugulo sa kanya, kaya hindi na rin siya nakakatulog,” ayon sa ilang kakilala ni Ibarra.

Bukod dito, may alta-presyon din si Ibarra na posibleng nagpalala sa naramdaman niyang suicide na nauwi sa pagpapakamatay.

Nagpapatuloy pa ang ballistic examination sa insidente.