August 17, 2026

Home BALITA Probinsya

NBI personnel na naghamon ng barilan sa LTO enforcer, nalintikan!

NBI personnel na naghamon ng barilan sa LTO enforcer, nalintikan!
Photo courtesy: Unsplash

Hindi pinalampas ng Land Transportation Office (LTO) ang umano'y paghahamon ng barilan ng nagpakilalang personnel ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isa nilang enforcer sa Lipa City, Batangas.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang insidente matapos umanong sitahin ng LTO enforcer ang isang sasakyang ilegal na nakaparada sa isang national highway.  

Nang tangkaing sitahin ng enforcer ang driver ng sasakyan, kinuwestiyon umano ng driver ang awtoridad ng enforcer at saka ipinamukha ang umano'y NBI badge ng hawak niya.

Habang nag-uusap ang dalawa, biglang dumating ang ama ng naturang driver na sakay naman ng isang pick-up truck. Nagpakilala siyang NBI personnel at iginiit na may dala siyang baril. Ilang sandali pa, bigla umanong naghamon ang naturang personnel na magbarilan na lamang daw sila ng enforcer.

Hindi naman lumala ang insidente at bumaba ang tensyon.

Probinsya

Anak ng barangay captain, binoldyak matapos makasama sa ₱20k-scholarship aid!

Samantala, kaagad na nagkasa ng imbestigasyon ang LTO at naglabas ng Show Cause Order laban sa naturang NBI personnel. 

Sinuspinde rin ng LTO ang lisensya ng personnel sa loob ng 90 araw at inatasan na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office upang ipaliwanag ang umano’y mga paglabag at magsumite ng kinakailangang dokumento.

Kabilang din sa iniimbestigahang paglabag ang hindi awtorisado o ilegal na paggamit ng blinkers sa ginagamit niyang pick-up truck.

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang NBI hinggil sa insidenteng kinasangkutan ng kanilang tauhan.