SA tanong na “Ano ang pinakamalaki mong achievement sa taong ito?”, nahirapan akong maghanap ng makahulugang sagot. Dahil sa tanong na iyon, nalaman ko na ang karamihan ng aking maliliit na tagumpay ay para lamang sa korporasyong aking pinaglilingkuran, at wala akong nagawa para sa akin. Kailangan ko palang tahakin ang personal kong misyon. Kailangang tuparin ko ang aking mga pangarap at nag-focus akong buhayin ang kasiglahang iyon. At gusto ko ring lumago ang aking mga mahal sa buhay, pati na ang mga kasama ko sa departamento. Kaya nagsikap ako sa ganoong direksiyon—dahil lamang sa tanong na iyon.
- Ano ang pinakamalaki aral na natutuhan mo ngayong taon? Sa lahat ng nangyari sa iyo sa taong ito, ano ang pinakamalaking aral na iyong natutuhan? Sa buhay, marami tayong karanasan, at marami ring aral na napulot mula sa bawat karanasang iyon. Maaari na lamang nating hayaang dumaan na lamang sa buhay natin ang mga karanasang iyon, at maaari rin naman nating unawain at ikintal sa ating puso at isipan ang mga iyon at magsilbing aral. Kapag ginawa natin iyon, literal tayong nagiging mas matalino. Magagamit natin ang mahahalagang aral na iyon sa mga bagong sitwasyong ating kahaharapin.
- Anu-ano ang pinakamalaki mong target sa susunod na taon? Paano gagawing pinakamainam na taon ang 2015? Ano ba ang nakikita mo sa iyong sarili pagsapit ng Disyembre 2015? Anu-ano bang goal ang gusto mong mapagtagumpayan? Anu-anong pangarap ang gusto mong matupad? Maaari mong gawing target ang mga tanong na ito. Gagawa ka ng paraan upang maging perpekto ang score na ibibigay mo sa 2015.
- Anu-anong ugali o gawi ang gusto mong pagyamanin? Upang matamo ang iyong goals, kailangang tapatan mo ito ng wastong pag-uugali. Maaaring may kinalaman ito sa kalusugan ng katawan at isipan upang maging handa sa pagtahak ng landas patungo sa iyong mga pangarap. Kapag pinagsisikapan mong isagawa ang mabuting pag-uugali, natural kang magiging mas mabuting tao.