Ni MIKE U. CRISMUNDO

BUTUAN CITY – Matapos ang halos apat na buwang pagkakabihag, pinalaya na rin kahapon ng New People’s Army (NPA) ang dalawang miyembro ng Philippine Army matapos ang pakikipagnegosasyon ng ilang sibilyan para sa kanilang pagpapalaya.

Muling nakapiling nina Pfc. Jerrel Yorong at Marnel Chinches, pawang miyembro ng 8th Infantry Battalion, ang kani-kanilang pamilya matapos silang sunduin ng mga negosyador sa bisinidad ng Malaybalay City bago magtanghali kahapon.

Ang mga third party facilitator ay kinabibilangan nina Misamis Oriental-Bukidnon Iglesia Filipina Independiente Bishop Bert Calang at Gov. Jose Zubiri bilang chairman ng local crisis management committee.

National

Pasasalamat ni PBBM kay FPRRD noon sa pagpapalibing sa amang si Marcos Sr., naungkat ulit!

Pinalaya ang dalawang sundalo kasabay ng paggunita ng ika-46 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Matatandaan na dinukot ang dalawang sundalo ng mga rebeldeng NPA habang nagsasagawa ng civil military operation sa Impasug-ong, Bukidnon noong Agosto 22.

Nakasuot ng ordinaryong damit at lulan ng isang motorsiklo, hinarang ang dalawa ng mga armadong rebelde na nakasuot ng bonnet sa Barangay Buntungon, ayon sa ulat.

Samantala, hawak pa rin ng mga rebeldeng komunista ang tatlong pulis, sina PO1 Marichel Contemplo at PO3 Democrito Polvorosa, ng Algeria Municipal Police; at PO1 Junrie Amper, ng Malimono Police, ng Surigao del Norte.

Sa kabila nito, tiniyak ni NPA leader Jorge Madlos, alyas “Ka Oris,” na papalayain ng rebeldeng grupo ang lahat ng bihag nito na mula sa militar sa paggunita ng Pasko.