Ipinagdiinan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na bugbog na bugbog na raw ang bansa sa fake news.
Pinakawalan ni Usec. Castro ang pahayag na ito matapos matanong hinggil sa umano’y kumalat na maling impormasyon patungkol sa memorandum na inilabas ng Palasyo; kung saan inatas ang suspensyon ng in-person government work at pasok sa eskuwelahan sa Metro Manila at mga karatig-probinsya nito ngayong Lunes, Agosto 17, 2026.
Sa isinagawang press briefing ng PCO nito ring Lunes, Agosto 17, iginiit niya ring inaalam na nila kung sino nga ba ang nasa likod ng naturang fake news.
“Sa ngayon ay inaaral po natin ‘yan, at ang sabi nga po natin, lahat ng mga nagbibigay ng mga ganitong klaseng mga impormasyon na maaaring makaapekto sa ating mga kababayan ay hindi po palalagpasin,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “So, aalamin po natin kung saan ‘to nanggagaling; at medyo ang bansa po natin talaga ay bugbog na bugbog na sa fake news.”
Anang press officer, kailangan daw nila ang tulong ng publiko, at maging ang mainstream media upang mapigil na ang pagkalat ng maling impormasyon.
“So, hindi lamang po PCO, hindi lamang po ang pamahalaan ang magsasagawa ng anumang pag-iimbestiga rito o pag-a-assess,” anang press officer.
“Kakailanganin din po namin ang tulong po ninyo—lalong-lalo nasa mainstream media dahil kayo po ay napakalaking tulong sa ating gobyerno para hindi na kumalat pa ang ganitong mga klaseng fake news,” pagtatapos ni Usec. Castro.