BANG! BANG! Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang ireregalo mo sa iyong mga paslit na anak at inaanak? Kung na-miss mo ang pahayag ng Department of Health (DOH), narito ang buod: Piliing mabuti ang reregalong laruan para sa mga bata ngayong Pasko. Iakma raw iyon sa edad ng bata, na walang maliliit na parte upang hindi malunok at walang halong kemikal – alam mo na kagad iyon sa amoy pa lang, lalo na kung gawa sa plastic. Kailangan ang laruan ay hindi matulis na maaari nilang ikasugat.

Kailangang angkop ang laruan sa pisikal na kapabilidad ng bata na magagamit ang kanilang abilidad sa pag-iisip at tunay na mag-uusbong ng kanilang imahinasyon. Naglitanya ang DOH ng mga laruang maaaring iregalo sa mga bata ayon sa edad, mula sa mga stuffed toys hanggang makukulay na bola, mula building blocks hanggang saranggola. Ngunit sa dami ng nabanggit na laruan, wala itong binanggit na baril-barilan, pana-panaan, at mga mumunting kasangkapan ng militar. Noon pa man, hindi ako sang-ayon sa pagreregalo ng baril-barilan o pana-panaan sa mga batang lalaki. Nag-uudyok o nagmumungkahi ito kasi ng karahasan sa mura nilang edad – na kapag mayroon kang sandata, makapangyarihan ka at maaari mo nang gawin ang iyong gusto. Sana lang, mga ninong at ninang, mga magulang na rin, maging malikhain sana tayo sa pagreregalo ng laruan sa mga bata, huwag yaong kanilang ikapapahamak balang araw.

***

NAKIKIISA SA OKASYON Parang sinasadya ng tadhana ang pananahimik ng Mayon Volcano. Patungo na nga sa kapayapaan ng Pasko ang lahat ng elemento, mula sa pagkakasundo ng Amerika at Cuba hanggang sa kalikasan na nakikiisa sa okasyon. Kamakailan, napabalitang ibinaba na ng Phivolcs sa alert level 2 ng Mayon. Ayon kay senior science research specialist Nora Campita ng Phivolcs, limiliit na umano ang posibilidad ng malaking pagsabog ang Mayon sa loob ng ilang araw o linggo. Sa talaan ng Phivolcs, mula noong Nobyembre 29, bumaba ang naitatalang aktibidad mula sa Mayhon kabilang ang umuunting seismic activity o maliliit na lindol, pamamaga ng bulkan na hindi nasundan ng pagbuga ng lava, pagbaba rin ng ibinubugang asupre ng bulkan at hindi na muling namataang crater glow. Gayunman, nilinaw ng Phivolcs, bagamat ibinaba na nila ang alert level, hindi ito nangangahulugan na mapayapa na ang Mayon. Ipinagbabawal pa rin ang paglapit ng mga residente o ng mga turista sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.
National

Ex-Pres. Duterte, wala raw tsinelas no'ng dalhin sa Netherlands—Sen. Bong Go