Malaya ka na ba talaga, o sadyang mahaba lang ang tanikala sa iyong mga kamay at paa?
Malinaw pa sa sikat ng araw na ang lahat ng taong nabubuhay sa daigdig ay hindi perpekto.
Ang lahat ay may mga desisyon at karanasan sa nakaraan na tila nagmumulto sa bawat isa—na sana ay hindi na lamang pinili o ginawa.
Pero tao lang tayo, nagkakamali at nanghihinayang.
Pero kahit ano pang gawin, madalas talaga na ang mga hinayang sa nakaraan ay binibilanggo tayo sa kalungkutan.
Paano nga ba kakawala sa ‘past regrets?’
Batay sa artikulong mababasa mula sa pahinang “Be More With Less,” higit pa sa isa ang mga paraan kung paano tuluyang lalaya sa kadena ng hinayang.
1. Tandaan na ang nakaraan ay hindi nababago.
Normal ang emosyon na “regret,” sapagkat parte ito ng mga karanasan ng bawat indibidwal.
Ngunit ang patuloy na pag-iisip at paglugmok sa nakaraan ay hindi makakagawa ng paraan upang mabago ito.
Ang mahalaga ay magpatuloy at tahakin na ang susunod na kabanata.
2. Matuto mula sa sitwasyon.
Hindi lamang simpleng pagsubok ang dumaan, na nararapat lamang solusyunan.
Mahalagang matuto ang bawat isa sa kaniyang mga karanasan upang maging “wiser” at “better” sa mga susunod pang araw.
3. Maging mabuti sa iyong sarili.
Hindi makatutulong ang labis na pagpapahirap sa sarili, sapagkat ito ang isa sa mga pinaka-kasangga ng isang indibidwal hanggang dulo.
Kung naging malupit na ang pagkakataon, dapat pa bang pahirapan ang sarili? Katulong ito, kaibigan—hindi kalaban.
4. Bigyang-pansin ang kasalukuyan.
Dahil hindi na mababago ang nakaraan, may kakayahan namang mas maging maganda ang kasalukuyan.
Paano ito magagawa? Matuto sa mga pagkakamali at mga karanasan.
Gamitin ito upang mas maging matalino at mahusay sa hinaharap.
5. Makipag-usap sa ibang tao.
“No man is an island,” ‘yan ang sabi sa kasabihan.
Kung iisipin, totoo ito, sapagkat malaking tulong sa paglago ng isang tao na mayroon siyang karamay sa oras na kailangan niya ng masasandalan.
Ang simpleng interaksyon ay may mabuting epekto sa’yo, sapagkat sa paraang ito, natututo ka at nagiging mas matatag na tao.
Ano pa man ang naging karanasan—mabuti man o hindi—gamitin ito upang maging sandalan at kasangkapan upang matuto at ganap na masungkit ang tunay na kalayaan.